Saturday, January 16, 2016

Balagtasan
Upang Makaahon Sa Hirap, Alin Ang Mas Dapat Unahin: Pagtatrabaho O Pag-Aaral?


Lakandiwa: 
Sa lahat ng nangarito sa aking harapan
Sa mga guro, magulang, estudyante’t kabataan
Isang mapagpalang araw po, mga kaibigan
Ang makita’t makasama kayo’y isang karangalan

Kaming inyong mga lingcod, dito sa tanghalan
Ay magbibigay linaw sa isyung pagtatalunan
Magiliw na inihahandog ang isang balagtasan
Upang maipamalas ang husay sa pangangatwiran

Paksa natin ngayo’y ordinaryo’t luma na
Ngunit karaniwang pinagmumulan ng mga dilemma
Ng ating mga kabataang hitik sa problema
Lalo na yaong mga kapus-palad sa pera

Alin nga ba ang mas dapat pagtuunan ng pansin
Upang makaahon sa kahirapan, alin ang uunahin
Ngayong araw ay ating titimbangin
Dalawang papipilian, ating titimbangin

Sa ating pagsisimula, narito sa aking gawing kanan
Tagapagtanggol ng edukasyon, binibining makatwiran
“Pag-aaral muna” ito ang kanyang ipaglalaban
Ang mas dapat daw unahin higit sa anupaman.


Pag-aaral:
Pagkat ako’y lumaki at nahubog sa paaralan
Naniniwala akong edukasyon ang dapat pagtuunan
Higit na bigyang pansin bago ang pagkakakitaan
Pagkat sa panahon ngayon, dapat ay may pinag- aralan

Ako nga po pala ang inyong butihing lingkod
Antonette Franco po, pag- aaral ang ikakayod
Samahan ninyo akong itatak ng buong lugod
Ang mga kaisipang sasambitin, sa inyong diwang pagod


Lakandiwa: 
Ayan mga kaibigan, inyo nang namataan
Anyo ng unang makata dito sa labanan
Kilalanin naman natin ngayon, pangalawang makikipagtagisan
“Trabaho Muna” ang sagot niya sa kahirapan


Pagtatrabaho:
Bago ang lahat, nais ko munang magpugay
Sa mga nangarito’y binabati ko ng magandang buhay
Sa mga ganitong paksa, wala ng dapat pang pag- usapan
Pagkat maliwanag pa sa araw, trabaho ang kailangan

Upang makaahon sa hirap, Reina Franco nga po pala
Panig sa pagtatrabaho upang makaipon ng pera
Sa tulad nating mahihirap, di nga ba’t mas praktikal pa?
Ang makahanap agad ng trabaho para sa pamilya.


Lakandiwa: 
Ngayon nagpakilala na ang magkabilang panig
Inyo nang nasilayan ang kanilang unang tindig
Kaya’t di na natin patatagalin pa, tensyon sa paligid
Atin nang simulan balitaktakang taglay ang himig

Nawa’y kayong lahat ay mataimtim na makinig
Upang maunawaan ipinaglalaban ng bawat panig
Limiing mabuti ang bigat ng bawat tinig
At mga gintong kaisipa’y iukit na sa dibdib.


Pag-aaral:
Pag-aaral muna ang dapat pagtuunan
Kapag may pinag-aralan, trabaho’y madali lamang
Di nga ba’t edukasyon raw ang susi sa kaunlaran?
At upang magkaroon ng magandang kinabukasan

Mga pangarap ay madali nang matutupad
Kung bawat isa’y pag-aaral ang inaatupag
Sa tulad nating mahirap, di na dapat pang matulad
Sa mga nagtrabaho agad ngunit di naman umunlad

Sa panahon ngayon, diploma ay kailangan
Upang makuha ng trabaho, iyon na ang batayan
Pagkat mas lamang, ang may malawak na karunungan
At yaong nahasa ng husto wastong kasanayan.

Paano ka magtatrabaho kung wala kang nalalaman?
Makapasok ka man ngunit pawing mga panandalian lamang.
Trabahong mahihirap at walang kasiguraduhan
At tiyak walang mararating ang iyong pinaghirapan

Mas mabuti pa kung ika’y nagtiyaga at nagtanim
Pagkat kalaunan iyo ring aanihin
Bunga ng pinaghirapan di ka bibiguin
Kaya’t sa kahirapan ay makakaahon rin.


Pagtatrabaho:
Paano naman yaong kapus-kapalaran?
Ni hindi nga natutustusan ang mga pangangailangan
Paano pa kaya ang mga gastusin sa paaralan
Mas mabuti pang magtrabaho nang may pagkakitaan

Ang mga pangarap ay ‘di naman natutunaw
Ang paaralan, hindi ka naman tatakasan
Ngunit ang mga gastusin sa pang-araw araw
Iyan ang problema sa kasalukuyan.

Mga karunungang iyong ipinagmamalaki
Hindi lang naman yan sa paaralan mahuhuli
Maraming paraan upang ika’y maging intelehente
At samahan na rin ng ibayong pagpupursige.

Nag-aaral ka nga ngunit di naman matiyaga
Maalam ka nga ngunit di naman hinahasa
Mas mabuti pa ang magtrabaho nang may mahita
Inaalam mo pa lang, akin nang ginagawa.


Lakandiwa:
Pahiram muna ng sandal mga kaibigan kong makata
Hinga-hinga muna ng malalim at baka magkahika
Pareho naman kayong may katwiran ukol sa paksa
Kaya’t nasa inyong dalawa ang aking lubos na paghanga

Paninindigang matatag  tila di yata matitibag
Mga puntong magagaling, bubuyog na mabibihag
Mga tagapakinig na sa katotohana’y di bulag
Maaakit sumang-ayon kahit sa kaloobay labag.


Pag-aaral:
Ngunit paano ka uunlad sa mga pipitsuging trabaho?
Natanggap ka nga ngunit bilang service crew
Magkano na lang ba ang sasahurin mo?
Kung puro pang- animang buwan lang ang kontrata mo.

Ang punto ko lang naman ay iyong pag-isipan
Kapag propesyonal ka’y mas maganda ang kinabukasan
Permanente ang trabaho kung may pinag-aralan
At di ka basta basta masisipa nang among mayaman.

Kapag di ka nagtapos at nagtrabaho agad
Kahit tumambling ka pa’y di ka uunlad
Kakarampot na kita, yan lang ba ang iyong hangad?
Mangangarap ka rin lang ba’t di pa isagad?

Kung panustos lang ang iyong katwiran
Problema sa salapi’y medaling solusyunan
Maraming mga tao na yan din ang pinagdaanan
Ngunit nagtapos pagkat diskarte lang ang kailangan


Pagtatrabaho:
Diskarte! Yan ang narinig kong sinambit mo.
Sa palagaymo ba’y hindi yan ang ginagawa ko?
Kaya nga magtatrabaho upang mabuhay sa mundo
At nang makapag-impok, ‘trabaho agad’ ang diskarte ko.

Maraming nakapag- aral na ngayon ay namomroblema
Walang trabaho at sa bahay ay tambay muna
May diploma nga ngunit di naman nakakapasa
Tinalo pa ng mga walang pinag-aralang kakompetensiya


Oo, ikaw nga’y armado ng kaalaman
Ngunit mas pinipili pa rin ang may karanasan
Pagkat tayong mga tao, natututo di lamang sa paaralan
Maging sa labas, maraming matututunan

Sinabi mong di uunlad yaong di nakapag-aral?
Buksan mo iyong mga mata at magmasid sa kapaligiran
Hindi mo ba nakikita na ngayo’y mas nakaka-angat pa sa buhay
Mga taong nagsimula sa mababa ngunit kalauna’y nagtagumpay

Maraming nakapagtapo na di sapat ang kaalaman
Ni hindi alam kung aling deriksyon ang pupuntahan
Diplomang papel tangi lamang pinanghahawakan
Na wala ring halaga sa gunting ng kaalaman.


Lakandiwa:
Bakit ganun? Ako yata’y mas lalong nalito
Tila gusto kong lagnatin sa init ng pagtatalo.
Ramdam na ramdam ko bigat ng bawat punto
Magkaibang katwiran, hugot mula sa puso


Pag-aaral:
Kaalamang natutunan mula sa pag-aaral
Maaari pang ipagsanggalang sa lupit ng buhay
Sa mga pang-aapi’y di basta basta bibigay
Pagkat alam ng mabuti kung saan lulugar

Mga di nakapag-aral at nagtrabaho agad
Inaapi- api at yuko ulo kung maglakad
Sa utos ng iba ay agad agad pumapayag
Pagkat kalakaran sa mundo sila ay bulag.


Pagtatrabaho:
Ngunit pakatandaan, hindi lahat ay mangmang
May mga taong di nakapagtapos ngunit patuloy ang laban
Sa buhay ay nanagana at kahit walang pinag-aralan
Pagkat sipag at tiyaga ang ipinuhunan

Kaya ka rin lang nag-aaral ay upang makapagtrabaho
At mabilis na makaahon sa hirap ng buhay sa mundo
Ki mag-aral ki magtrabaho, ang hahantunga’y pareho
Kaya’y bakit pa mag-aaral kung yun lang din ang dulo?


Pag-aaral:
Ngunit aking katunggali, nais ko lamang ipaalala
Na kapag nakapagtapos ka’y pag-asenso’y sigurado na
Mas mataas na posisyon, mas malakas ang kita
Na ibig sabihin, magandang kinabukasa’y abot kamay na.

Sa konting panahon lamang na gugugulin
Magastos man sa turing kahit pa balibaliktarin
Maliit na ipinuhunan, triple ang balik sa atin
Sakripisyo ng pamilya’y masusuklian din.

Pagtatrabaho:
Di nga ba’t sakripisyo rin ang pagtatrabaho muna?
Isinakripisyo ang pag-aaral para din sa pamilya
Ngunit mas nakapag-impok at sa buhay ay nanagana
Umahon sa kahirapan at buhay ay nag-iba

Kung uunahin ang pag-aaral, wala namang mahihita
Pagkat araw araw ay sa gastusin mamomroblema
Ni walang panlaman sa tiyan pagkat walang kuwalta
Maapektuhan  ang lahat pati pokus sa ginagawa


Lakandiwa:      
Matapos ninyong mapakinggan ang dalawang makata
Nasa inyong mga kamay ang paghatol ng pasya
Tayog ng katwiran ay hindi maisasansala
Parehong may punto na makaahon sa dalita

Mga binitiwang salita nawa’y maging inyong gabay
Lalo na ng mga kabataan sa pagdedesisyon sa buhay
Pagkat iyon ang inyong susi sa pagkamit ng tagumpay
At sa patuloy na pagkapit sa baging na matibay

Hanggang ditto na lamang mga kaibigan
Pansamantala’y kami muna’y magpapaalam
Nawa’y nagustuhan munti naming balagtasan
Magandang araw po’t sumainyo ang buhay ng kasaganaan.









Tuesday, January 12, 2016

Elihiya

Isang Sulyap Para Kay Balagtas
(Elihiya)
-Your's Truly-
Kung tatanawin ko ang nakalipas
Mistula kong namamasdan ang iyong mga bakas
Ang tanyag at tatak ng isang Balagtas
Lumipas man ang panahon, hindi kumukupas
Isa kang inspirasyon para sa kabataan
Sa mga nangangarap, isang tunay na huwaran
Lumaki man sa putik ng kahirapan
Mas piniling tahakin ang landas ng kabutihan
Higit kang dinakila sa larangan ng panulaan
At itinuring pang “Ama ng Balagtasan”
Tunay ngang nag- iisa sa karamihan
Na naitala sa aklat ng kasaysayan
Orosmat at Zafira, Florante at Laura
Auredato at Astonome, Don Nuno at Selinda
Ilan lamang yan sa napakarami mong mga obra
Na nagpapatunay sa pagiging tunay na makata
At kahit pa ikaw ay sumakabilang buhay na
Mananatiling buhay ang iyong mga katha
Dito sa lupa, mga iniwang alaala
Ay nakaukit na sa puso ng bawat madla
Limipas man ang maraming dekada
Maubos man ang dahon ng papel sa lupa
Sa puso at isip ng bawat Pilipinong minumutya
Ay itinatak na ang pangalan mo sa literatura

Titser, Higit Kang Dakila (ODA)

Titser, Higit Kang Dakila
(ODA)
-Yours Truly-
Sa isang tulad kong mag-aaral pa lamang
Labis kong tinitingala ang ating sangguruan
Pagkat sila ang ilaw at nagsisilbing gabay
Ng mga kabataang pag- asa ng bayan
Sa kanilang sipag, tiyaga at dedikasyon
Hindi nagbabago, lumipas man ang panahon
Sila ang takdang inspirasyon
Upang ating mahalin ang edukasyon
Sadya ko ring hinahangaan ang kanilang kaalaman
Mistula itong batis na tuloy tuloy ang daluyan
Sa paglipas ng panahon, lalo pang nadadagdagan
At nakikisabay sa agos ng kaunlaran
Sa puso ng madla, bayani silang maituturing
Walang nurse, doktor o maging ang engineer
At wala ang ibang propesyong magagaling
Kung wala ang presensya ng magiting na titser
Kung kaya’t tunay silang dinadakila
Mga walang katumbas na kanilang nagawa
Para sa ikauunlad nitong ating bansa
Walang katulad na sakripisyo higit pa sa salita
Sa bawat mag-aaral na sa kamay nila dumaan
Hinubog na mabuti ang kagandahang- asal
Pilit na iniukit ang tinta ng walang hanggang kaalaman
Na aming magagamit para sa magandang kinabukasan

Kamandag ng Mahika (Korido) 8 pantig/taludtod

Kamandag ng Mahika
(Korido)

8 pantig/taludtod

Sa malayong kaharian
Kung tawagin ay Tabagwan
Lahat ng mga mamamayan
May kapangyarihang taglay.
Nababalot yaoung pook
Ng mahika sanmang sulok
Katataga’y nasusubok
Ng mga tangkang pag- aamok.
Sa gitna ng engkantanda
Ang prinsesa’y nakatira
Solong anak ng monarka
Na nangangalang Aryana.
Simula sa pagkabata
Mahika’y di nabiyaya
Kung kaya’t siya’y napasama
Kapangyarihan ang nasa.
Minsang prinsesa’y iniwan
Ng kanyang mga magulang
Siya itong naatasan
na kaharia’y bantayan.
Prinsesa’y walang ginawa
Kundi ang magpakasasa
Kaharia’y kinawawa
At mga alipi’y nagdusa.
Pagkat nasa kanyang kamay
Sentro ng kapangyarihan
Anuman ang magustuhan
Kailangang maibigay.
Kundi man agad nasunod
Parusa’y agad nabuod
Isang daang palo sa lulod
Hanggang sila’y maglumuhod.
Isang araw ng kalupitan
Utusa’y napagbalingan
Sukdulang pinarusahan
Sa kaunting kamalian.
Matapos pagsalitaan
Hinamak nama’t sinaktan
Suntok na kaliwa’t kanan
Ang kanyang pinakawalan.
Hindi pa s’ya nakontento
Utusa’y pinagbabayo
Pinahirapa’t pinalo
Saka pinugot ang ulo.
Mga tao’y walang nagawa
Kundi takpan mga mata
Ano nga bang laban nila
Sa prinsesang walang awa.
Ngunit may isang matanda
Ang lumitaw at nagwika
prinsesa’y magiging daga
kung maulit ang ginawa.
Si Aryana ay natawa
Sa sinmbit ng matanda
Lola’y ipinahuli pa
At pinaharap sa kanya.
Dahil lapastangan ito
Matanda’y kanyang binato.
Ipinabugbog sa hukbo
Hanggang dugo ay tumulo.
Ngunit lahat ay nagitla
Ng kaanyua’y nag-iba
Matanda’y naging maganda
Diwata ang kapara.
Nagliwanag ang paligid
Pangyayari’y di na batid
Pagkatakot ang sumigid
Sa puso ma’y di mapatid.
Baston nito’y itinaas
Habang mata’y nagniningas
Umusal ng di matatas
Ukol sa sumpang binagtas.
Pagka galit na dinuro
Prinsesang tila napako
Na halos di makakibo
Sa kanyang pagkakatayo.
Doon parusa’y pinataw
Sa prinsesang kasukaban
Ang maging di pangkaraniwang
Hayop na kasusuklaman.
Sa makamandag na sumpa
At sa tulong ng mahika
Si Aryana’y nagging daga
Tulad ng itinadhana.
-Your's truly-

Si Dung-Aw at Ang Kahariang Kararayan (Tulang Pasalaysay)

Si Dung-Aw at Ang Kahariang Kararayan
(Tulang Pasalaysay)

Sa isang tahimik at malayong bayan
Matatagpuan ang isang kaharian
Doon nananahan libong mamamayan
Sa pamumuno ni Haring Kararayan.
Kahariang yaon ay tanyag na tanyag
Katapangan ng hari bagama’t hayag
Tunay na pinuno siyang matatawag
Sa buong bayan, siya ang nililiyag.
Sya’y lubos na minahal at tiningala
‘Di lang sa galing nya sa pakikidigma
Sa puso niya’y nangunguna ang aba
Sa pagkamatulungin, walang kapara.
Ngunit isang arawnagbago ang lahat
Butihing hari na naglingkod nang tapat
Biglang nagkasakit, namatay na sukat
Mga luhang nunukal nagmistulang dagat.
Sa gitna ng pighati, lungkot at lumbay
Dumating na bigla digma ng kaaway
Sampu ng mga tao, nag- alay ng buhay
Nabuwag na bigla, monarkang matibay.
Ngunit di naglaon biglang may lumitaw
Binatang makisig, nangangalang Dung-Aw
Hangaring ipagtanggol sa mga umagaw
Ang bayang sawi ng kahariang Krusaw.
Magiting na Dung-Aw ‘di naman nabigo
Kahariang Krusaw muling naitayo
Mula sa mga kalabang ubod palalo
Sila’y kanyang natalo at napasuko.
Sa nasaksihan lahat ay napahanga
Tunay s’yang bayani sa mata ng madla
Katapangang taglay sadyang pambihira
Sa nag-iisang Dung-Aw iyon nagmula
Dahil sa nangyari’ymga tao’y nagbunyi
Sigla ng Krusaw bumalik na sa dati
Buong kaharia’y nagkakulay muli
Sa piling ng kanilang butihing hari.
-your's truly-
TULANG PASALAYSAY
12 pantig/taludtod

Tulang PASALAYSAY Halimbawa ng AWIT

Tulang PASALAYSAY
Halimbawa ng AWIT

Pag-ibig na Wagas

May isang dalaga na ubod ng yaman,
Umibig sa abang binatang utusan;
Langit at lupa ang kanilang pagitan
Kaya’t pagmamahala’y maraming hadlang.
Pamilya ni Lira’y ayaw sa binata
Pagkat mangyari’y isa s’yang hampaslupa
Mababang tingin pilit pinamumukha
Kay Simsong mabait, masipag mat’yaga.
Minsang umakyat ‘tong si Simson ng ligaw
Dala’y gitara at bulaklak na dilaw
At kahit na sa kanya ay sadyang ayaw
Ng ama ni Lira’y pilit siyang dumalaw.
Ngunit hindi pa man sa may tarangkahan,
Naroroon ang Don, tila nag- aabang
Kasama’y mga lalaking naglalakihan
Habang mga mata’y puno ng kasamaan.
Pilit tinatagan pusong nagmamahal
Sa Don ay lumapit at nagbigay galang
Ngunit anong sakit nang siya’ duraan
Matapos hamakin ay sinaktan naman.
Mga tauhan nito’y bigla siyang sinuntok
Binugbog, sinipa at sa lupa’y nalugmok
Di pa nasiyaha’y pinalo sa batok
Saka pinatakbo sa hudyat ng putok.
Dahil sa takot ‘di siya nag-alinlangan
Tumakbong matulin tungo sa kung saan
‘Di inalintana sakit ng katawan
Ang makalayo ang tanging nais lamang.
Si Simso’y humayo ng araw ding yaon
Batid na pangarap tangi lamang baon,
Sa kanyang minamahal ‘di maglalaon
Ang maging marapat sa tamang panahon.
Doo’y hinarap samu’t saring hamon
Lahat tiniis para lang maka-ahon
Pilit pinanindigan kanyang desisyon
Na ang kanyang paglayo’y magkakatugon.
Dahil sa nangyari, si Lira’y tumamlay
Masisiglang mata’y nawalan ng kulay;
Nagmukmok sa silid, kalungkuta’y taglay
Pagbabalik ng irog ang hinihintay.
Nagmamahal na ama’y di nakatiis
Para sa anak ay naglaho ang bangis,
Sinaliksik si Simon sa buong libis
Kasiyahan ng anak ang tanging nais.
Ngunit isang taon na ang dumaraan,
‘ni anino ni Simso’y di nasilayan;
Naratay si lira sa kapighatian,
Nagistulang patay ang pusong sugatan.
Lumipas ang araw si Simso’y lumitaw
Matikas na binata ang s’yang bumuglaw
Pansin ang karangyaan sa bawat galaw,
Kaya’t mga kanayo’y tila ba natuklaw.
Tahanan ni Lira ang agad tinungo,
Tiwala sa sarili’t loob ay buo;
Sa pangalawang beses, handang sumuyo,
At muling balikan kabiyak na puso.
Si Don Damyan ang una niyang hinarap
Na nagka-ayos rin matapos mag-usap,
Habang si Lira’y malugod s’yang tinanggap
At muling nabuo, pag-ibig na wagas.
-Your's Truly-
*12 Pantig/taludtod